Monday, March 14, 2016

K to 12 BASIC EDUCATION CURRICULUM

BALANGKAS NG ARALING PANLIPUNAN

Batayan ng K to 12 Araling Panlipunan

Naging batayan ng K-12 Araling Panlipunan Kurikulum ang mithiin ng “Edukasyon para sa Lahat 2015” (Education for All 2015) at ang K-12 Philippine Basic Education Curriculum Framework. Layon ng mga ito na magkaroon ng mga kakayahang kinakailangang sa siglo 21 upang makalinang ng “functionally literate and developed Filipino.” Nilalayon din ng batayang edukasyon ang pangmatagalang pagkatuto pagkatapos ng pormal na pag-aaral (lifelong learning). Ang istratehiya sa pagkamit ng mga pangkalahatang layuning ito ay alinsunod sa ilang teorya sa pagkatuto na konstruktibismo, magkatuwang na pagkatuto (collaborative learning), at pagkatutong pangkaranasan at pangkonteksto.

Ang sakop at daloy ng AP kurikulum ay nakabatay sa kahulugan nito:

Ang Araling Panlipunan ay pag-aaral ng mga tao at grupo, komunidad at lipunan, kung paano sila namuhay at namumuhay, ang kanilang ugnayan at interaksyon sa kapaligiran at sa isa’t isa, ang kanilang mga paniniwala at kultura, upang makabuo ng pagkakakilanlan bilang Pilipino, tao at miyembro ng lipunan at mundo at maunawaan ang sariling lipunan at ang daigidig, gamit ang mga kasanayan sa pagsasaliksik, pagsisiyasat, mapanuri at malikhaing pag-iisip, matalinong pagpapasya, likaskayang paggamit ng pinagkukunang-yaman, at mabisang komunikasyon. Layunin ng Araling Panlipunan ang paghubog ng mamamayang mapanuri, mapagmuni, responsable, produktibo, makakalikasan, makabansa, at makatao, na may pambansa at pandaigdigang pananaw at pagpapahalaga sa mga usapin sa lipunan sa nakaraan at kasalukuyan, tungo sa pagpanday ng kinabukasan.

Layunin ng AP Kurikulum

Nilalayon ng AP kurikulum na makalinang ng kabataan na may tiyak na pagkakakilanlan at papel bilang Pilipinong lumalahok sa buhay ng lipunan, bansa at daigdig. Kasabay sa paglinang ng identidad at kakayanang pansibiko ay ang pag-unawa sa nakaraan at kasalukuyan at sa ugnayan sa loob ng lipunan, sa pagitan ng lipunan at kalikasan, at sa mundo, kung paano nagbago at nagbabago ang mga ito, upang makahubog ng indibiduwal at kolektibong kinabukasan. Upang makamit ang mga layuning ito, mahalagang bigyang diin ang mga magkakaugnay na kakayahan sa Araling Panlipunan: (i) pagsisiyasat; (ii) pagsusuri at interpretasyon ng impormasyon; (iii) pananaliksik; (iv) komunikasyon, lalo na ang pagsulat ng sanaysay; at (v) pagtupad sa mga pamantayang pang-etik

Tema ng AP Kurikulum

Upang tuhugin ang napakalawak at napakaraming mga paksa na nakapaloob sa Araling Panlipunan, ito ang magkakaugnay na temang gagabay sa buong AP kurikulum, na hango sa mga temang binuo ng National Council for Social Studies (Estados Unidos).1 Hindi inaasahan na lahat ng tema ay gagamitin sa bawat baitang ng edukasyon dahil ilan sa mga ito, katulad, halimbawa, ng ika-anim na tema, Produksyon, Distribusyon at Pagkonsumo, ay mas angkop sa partikular na kurso (Ekonomiks) kaysa sa iba, bagamat tatalakayin din ang ilang mga konsepto nito sa kasaysayan ng Pilipinas, ng Asya at ng mundo. Iaangkop ang bawat tema sa bawat baitang ngunit sa kabuuan, nasasakop ng kurikulum ang lahat ng mga tema.
1. Tao, Lipunan at Kapaligiran
2. Panahon, Pagpapatuloy at Pagbabago
3. Kultura, Pagkakakilanlan at Pagkabansa
4. Karapatan, Pananagutan at Pagkamamamayan
5. Kapangyarihan, Awtoridad at Pamamahala
6. Produksyon, Distribusyon at Pagkonsumo
7. Ugnayang Panrehiyon at Pangmundo
Inaasahan na sa ika-11 at ika-12 na baitang ay magkakaroon ng mga elektib na kursong tatalakay sa iba’t ibang isyu (lokal, pambansa, panrehiyon, at pandaigidig) upang lumawak ang kaalaman ng mga mag-aaral at malinang ang kanilang mga mapanuring kakayahan. Sa ganitong paraan din ay lalong mahahasa ang pagkakadalubhasa ng bawat AP na guro sa pagdisenyo ng nilalaman ng kurso at sa istratehiya ng pagturo nito alinsunod sa pangkalahatang balangkas ng AP. Ilang halimbawa ng mga paksa ng elektib na kurso ay:
1. Mga panganib sa kapaligiran at kalikasan, ang pangangalaga nito at mga hakbang na maaaring gawin ng mga mag-aaral at ng komunidad upang matugunan ang mga panganib na ito;
2. Ang layunin at pilosopiya ng isang batas o patakarang opisyal, ang epekto nito sa tao at lipunan (at kalikasan), ang mga problema sa implementasyon at posibleng solusyon sa problema
3. Ang ugnayan ng kultura sa pagsulong ng lipunan (komunidad, bansa) at mga isyung kaugnay sa kaunlaran ng lipunan
4. Mga pandaigdigang problema sa klima, kalamidad (natural at likha ng tao), at ang paglutas ng mga suliraning ito

Talasalitaan
A

Absolute advantage – ganap na kalamangan ng isang bansa sa isang produkto kapag mas mababa ang halaga ng produksiyon nito kaysa halaga ng produksiyon ng ibang bansa
Absolute monarchy – Uri ng monarkiya na ang kapangyarihan ng hari ay hindi nalilimitahan ng sinuman
Acid Rain – polusyong dulot ng sulfur dioxide at nitrogen oxide na pumapailanlang sa himpapawid at sumasama sa water vapor at bumabagsak sa anyong ulan, hamog, o niyebe
Acropolis – ang burol at pinakamataas na lugar sa gitna ng lungsod-estado ng Athens at iba pang lungsod-estado ng Greece
Agham panlipunan – isang sangay ng kaalaman na ang pinag-aaralan ay ang mga pag-uugali ng tao habang siya ay nakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa at sa kapaligiran
Agora – ang gitna ng lungsod-estado ng isang bukas na lugar kung saan maaring magtinda o magtipon-tipon ang mga tao sa Greece
Ahimsa – hango sa relihiyong Jainism na may kahulugan na mapayapang pamamaraan ng pakikibaka o ang hindi paggamit ng dahas
Allied Powers – mga bansang nagsanib-puwersa, kinabibilangan ng United States, Great Britain, at dating Soviet Union, upang labanan ang Axis Powers
Allocative role – tumutukoy sa masinop na paggamit ng mga pinagkukunang-yaman
Alokasyon –isang mekanismo ng pamamahagi ng mga pinagkukunang-yaman sa iba’t ibang gamit upang sagutin ang mga pangunahing katanungan ng isang lipunan sa suliranin ng kakapusan
Alyansa – pagbubuo ng grupo o lupon ng mga makapangyarihang bansa sa Europe
Akulturasyon – prosesong pinagdaraanan isang lipunan sa pagtanggap ng elemento, katangian, o impluwensiya ng kultura ng iba pang lipunan
Apollo 11 – sasakyang panghimpapawid na mula sa United States, na siyang unang sasakyang nakarating sa buwan Astrolabe – instrumento sa paglalayag na ginagamit upang malaman ang latitudo layo ng barko
Archipelago / Kapuluan – pangkat ng mga pulo
Armistice – kasunduan na pansamantalang pagtigil ng labanan o digmaan
Axis Powers – mga bansang nagsanib, kabilang ang Germany, Italy, at Japan, upang kalabanin ang Allies noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig

B

Batas ng Demand –batas sa ekonomiya na nagsasaad ng hindi direktang relasyon o ugnayan ang presyo sa quantity demanded.
Batas ng Supply – batas sa ekonomiya na nagsasaad na mayroong direktang relasyon o ugnayan ang presyo sa quantity supplied.
Bayaring nalilipat – bayarin ng pamahalaan sa sambahayan tulad ng pensiyon ng mga nagretiro, benepisyong pangkalusugan, at pangkalahatang kapakanan para sa mga pamilyang mahihirap
Beleaguered forests – inabusong mga kagubatan
Biodiversity – ang pagkakaiba-iba at pagiging katangi-tangi ng lahat ng anyo ng buhay na bumubuo sa natural na kalikasan
Bourgeoise- mga mangangalakal at banker na bagaman may salapi ay hindi nabibilang sa mga lipi ng maharlika at kaparian
Brain drain – pagkaubos na mga propesyonal na may angkin kasanayan o talento dulot ng kanilang pangingibang-bayan upang maghanap ng mas magandang oportunidad sa paghahanapbuhay
Bulkan – bundok na may butas sa pinakatuktok na nilalabasan ng maiinit na bato, lava, putik, lahar, at abo
Bulubundukin – hanay ng mga bundok na magkakadikit
Bundok – mataas na anyong lupa na nagtataglay ng mga bato at lupa

C

Calligraphy – Sistema ng pagsulat ng mga Tsino
Caste – pagkakahati-hati ng tao sa lipunang Hindu.
Ceteris Paribus – other things being equal; ang hinuha na walang pagbabago maliban sa salik na pinag-aaralan. Sa paggamit ng ceteris paribus, nagagawang simple ang pagpapaliwanag sa mga ugnayan na nais suriin.
Climate Change – ito ay ang pagbabago sa klima ng mundo; kinapapalooban ito ng pagbabago sa temparatura, wind pattern, pagbuhos ng ulan, lalo na ang pagbabago sa temperature ng mundo bunga ng pagtaas ng mga partikular na gas lalo ng carbon dioxide.
Cold War – labanan ng ideolohiya, na hindi ginagamitan ng dahas
Command economy – ang ekonomiya ay nasa ilalim ng komprehensibong kontrol at regulasyon ng pamahalaan
Comparative advantage – ang espesyalisasyon at kalakalan ay makakabuti sa mga bansa kahit na may mga bansang hindi episyente sa paggawa nito
Coniferous – tumutukoy sa mga punong cone bearing
Confucianism – Isang pilosopiya na nakatuon sa pagpapabuti ng ugali sa pamamagitan ng pagtataguyod sa mga virtue ng kagandahang loob, tamang pag-uugali, at pagkamagalang
Cooperative – kooperatiba; isang samahan na nabuo at pinatatakbo para sa benepisyo ng mga kasapi
Core – pinakamalalim na bahagi ng daigdig; binubuo ng inner core at outer core; halos 1380 milya ang kapal ng outer core
Cost and Benefit Analysis –ang pag-aanalisa ng gastos at pakinabang na makukuha mula sa gagawing pagpapasya
Cross elasticity – ang pagsukat kung papaano tumutugon ang quantity demand ng produkto X sa pagbabago ng presyo ng produkto Y
Crust – pinakaibabaw na bahagi ng daigdig; matigas at mabatong bahagi ng planeta
Cuneiform – unang nabuong sistema ng pagsusulat. Isa itong uri ng pictograph na naglalarawan ng mga bagay na ginagamitan nang may 600 pananda sa pagbubuo ng mga salita o ideya. Sistema ng pagsulat na imbensiyon ng mga Sumerian.

D

Death March - isang uri ng pagpaparusang ipinataw ng mga Hapon sa Pilipinas laban sa mga sumukong sundalong Pilipino at Amerikano sa Bataan
Deforestation – pagkaubos at pagkawala ng mga punongkahoy sa mga gubat
Demand – tumutukoy sa parehong kakayahan at kagustuhan ng isang taong bumili ng isang produkto at serbisyo
Demand curve – kurba na nagpapakita ng magkasalungat na relasyon sa pagitan ng presyo at quantity demanded
Demand function – matematikong paglalarawan sa ugnayan ng presyo at quantity demanded
Demand schedule – talaan na nagpapakita ng dami ng demand sa iba’t ibang presyo
Demokrasya – uri ng pamahalaang ang kapangyarihan ay nasa kamay ng mga mamamayan upang pumili ng kanilang kinatawan sa pamahalaan
Desertification – ang pagkasira ng lupain sa mga rehiyong bahagyang tuyo o lubhang tuyo
Dinastiya – pamumuno ng isang angkan sa isang imperyo o kaharian sa loob ng mahabang panahon
Disaster risk mitigation – isang sistematikong paraang ng pagtukoy, pagtataya, at pagbabawas ng panganib ng trahedya o kalamidad
Disincentives – ang pagbabayad ng multa o kawalan (losses) na matatamo sa hindi episyenteng pagpapasya
Diskriminasyon – ang hindi pantay na pagtingin sa karapatan, lahi, kulay, o kultura ng isang tao
Disyerto – rehiyong may malawak na tuyong lupa at buhangin
Diverse habitat – Iba-ibang panahanan o tirahan
Divine origin – paniniwala ng mga Hapones sa kabanalan at buhay na simbolo ng panginoon sa kanilang mga hari
Demography – pag-aaral sa antas ng populasyon na nakatuon sa kapanganakan, pag-aasawa, kamatayan, at mga sakit
Downsizing – pagbabawas ng manggagawa ng bahay kalakal sa panahon ng bust perid upang makatipid sa gastusin ng produksyon

E

Ecological balance – balanseng ugnayan sa pagitan ng mga bagay na may buhay at ang kanilang kapaligiran
Ecosystem – masalimuot na sistema ng interaksiyon sa pagitan ng mga bagay na may buhay at ng mga bagay na walang buhay sa pisikal na kapaligiran
Eco-tourism – gawaing pang-turismo gamit ang kalikasan
Ekonomiks – pag-aaral ng pakikipagsapalaran ng tao sa kapaligirang kanyang ginagalawan. Ito ay nauukol sa pagpapasyang ginagawa ng tao at ng lipunan kung paano gamitin at ipamahagi ang limitadong pinagkukunang-yaman upang matugunan ang kanyang walang hanggang pangangailangan at kagustuhan.

Ekwilibriyo – isang sitwasyon na nagkakasundo ang mga mamimili (sa panig ng demand) at nagbibili (sa panig ng supply)
Enlightenment – kilusang intelektwal na naglalayong gamitin ang agham sa pagsagot sa mga suliraning ekonomikal, pulitikal, at maging kultural
Entreprenyur – indibidwal na nagsasaayos, nangangasiwa, at nakikipagsapalaran sa isang negosyo
Equator – itinatakda bilang zero degree latitude at humahati sa globo sa hilaga at timog na hemisphere o hemispero
Etnisidad – mistulang kamag-anakan; kapag kinikilala ng isang grupo ng tao ang mga sarili at ang isa’t isa bilang kasapi ng isang grupong etnolingguwistiko
Etnolingguwistiko – tumutukoy sa pagkakapareho at pagkakaiba ng mga tao sa isang bansa ayon sa kultura, wika, at etnisidad
Exploitation – pananamantala sa iba para sa sariling kapakanan
Export – pagluluwas ng mga produkto palabas ng isang bansa patungo sa iba’t ibang panig ng mundo

F

Fascism – ideolohiyang ipinalaganap ni Benito Mussolini, na tumututol sa anumang uri ng oposisyon sa pamahalaan
Fief - lupang ipinagkakaloob ng lord sa vassal
Footbinding – Sinaunang tradisyon sa China na kung saan sadyang binabali apagbabali ng arko ng paa upang hindi ito lumaki nang normal, tinatawag ang ganitong klaseng mga paa na lotus feet o lily feet.
French Revolution- Rebolusyong pinasimulan ng mga Pranses na naglalayong magkaroon ng pagkakapantay-pantay, pagkakaisa, at kalayaan

G

Genocide – malawakang pagpatay na ginawa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig lalo na laban sa mga Hudyo
Geocentrism- paniniwala noong panahong Medieval na ang Daigdig (Earth) ay ang sentro ng solar system
Glasnost - Isang salitang Ruso na nangangaghulugan ng openness o pagiging bukas kung saan ,may malayang napag-usapan ang mga suliranin ng bansa sa pamamagitan ng malayang pamamahayag
Global climate change – pagbabago ng pandaigdigan o rehiyonal na klima na maaaring dulot ng likas na pagbabago sa daigdig o ng mga gawain ng tao
Globalisasyon – ang kaparaanan kung paano nagiging global o pangbuong mundo ang mga lokal o pampook o kaya pambansang mga gawi o paraan sa aspeto ng ekonomiya at kalakalan, teknolohiya, politika, at kalinangan o kultura
Gross Domestic Product – sumusukat sa kabuuang pampamilihang halaga ng lahat ng tapos na produkto at serbisyo na ginawa sa isang takdang panahon sa loob ng isang bansa
Gross National Product (Gross National Income) – kabuuang pampamilihang halaga ng mga produkto at serbisyo na nagawa ng mga mamamayan ng isang bansa
Guild- samahan ng mga taong nagtatrabaho sa magkatulad na hanapbuhay

H

Habitat – tirahan ng mga hayop at iba pang mga bagay
Hanging amihan – hilagang-silangang monsoon; umiihip nang salungat sa unang hangin mula Oktubre hanggang Abril mula sa Siberia patungong karagatan
Hanging habagat – timog-kanlurang monsoon; umiihip mula Mayo hanggang Setyembre na may dalang napakalakas na ulan mula sa karagatan
Heliocentrism – paniniwala na ang araw ang sentro ng solar system
Hellenes – tawag ng mga Greek sa kanilang sarili na hango sa salitang Hellas, isang lugar sa hilagang-kanluran ng Greece
Heograpiya – nauukol sa pag-aaral ng mundo at mga taong naninirahan dito, na sumasakop din sa pag-aaral sa katangiang pisikal nito, iba’t ibang anyong lupa, at anyong tubig, klima, at likas na yaman ng isang pook
Heograpiyang pantao – sangay ng heograpiya na tumutukoy sa pag-aaral ng wika, relihiyon, lahi, at pangkat-etniko sa iba’t ibang bahagi ng daigdig
Hinterlands – malayong lugar, malayo sa mga urbanisadong lugar ngunit apektado ng mga pangyayari sa teritoryong sakop ng lungsod
Hinuha – kaisipang hindi direktang isinasaad; isang konklusyong hango sa impormasyon
Hominid – miyembro ng pamilya ng mga mammal na may kakayahang tumayo sa dalawang paa kabilang ang tao, gorilya, chimpanzee, at orangutan
Humanidades – Kabuuan ng mga kaalaman tungkol sa mga sining na biswal tulad ng musika, arkitektura, pintura, sayaw, dula, at panitikan. Sa pamamagitan ng mga tekstong ito, naipahahayag ng sumulat ang kaniyang nadarama, adhikain, pangarap, pag-asa, o pangamba.
Humanismo – isang kilusang intelektuwal noong Renaissance na naniniwalang dapat pagtuunan ng pansin ang klasikal na sibilisasyon ng Greece at Rome.Humanista ang taong tumatangkilik sa ideyang ito

I

Incentives – maaaring pinansyal o parangal na maaring matamo mula sa pagpupunyagi sa araw-araw
Income elasticity - panukat kung gaano tumutugon ang quantity demand sa pagbabago ng kita
Income per capita – sinusukat ang kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan ng isang bansa. Makukuha ito kung hahatiin ang Gross Domestic Product sa kabuuang populasyon ng bansa.
Industriyalisasyon – pagbabagong pang-ekonomiya na unang naranasan sa England na gumamit ng mga makinarya kaya naman nagkaroon ng mabilisang produksyon
Imperyalismo – isang patakaran o paraan ng pamamahala na ang malalaki o makapangyarihang mga bansa ang naghahangad upang palawakin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsakop o paglulunsad ng mga pagtaban o kontrol na pangkabuhayan at pampulitika sa ibang mga bansa
Impormal na sektor (Underground Economy) – sektor na nagtataglay ng malawak na katangian na binubuo ng mga yunit na nagsasagawa ng pagbuo ng produkto at serbisyo na ang pangunahing mithiin ay makalikha ng empleyo at kita ang mga taong lumalahok dito. Ang mga gawain ng na yunit ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng mababang antas ng organisasyon na walang pagsunod sa itinatadhanang kapital, pamantayan, at paraan ng pagsasagawa nito sa napakaliit na antas ng produksiyon. Ang mga katuwang sa pagsasagawa ng gawain ay kadalasang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na walang pormal na pagsunod sa mga patakarang itinakda ng pamahalaan.
Import – pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa patungo sa loob ng isang bansa
Isolationism –patakaran na ipinatutupad ng isang bansa na inihihiwalay o isinasara nito ang bansa mula sa impluwensiya at pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan

K

Kabihasnan – pamumuhay na kinagawian at pinipino ng maraming pangkat
Kagustuhan - ang mga bagay na nakatutulong sa tao upang mapagaan ang kanyang buhay
Khanate – estadong nasa hurisdiksyon ng isang khan (pinunong lokal ng ilang bansa sa gitnang Asya)
Kalakalan – anumang transaksiyon sa pagitan ng dalawang tao o sa pagitan ng mga bansa na kabilang sa isang pamilihan
Kapaligirang pisikal – katangian ng daigdig na binubuo ng anyong lupa, klima, anyong tubig, wildlife, buhay-hayop, vegetation, at mineral
Kapatagan – malawak na lupang pantay o patag
Kapital – mga makinarya, kagamitan, o imprastraktura na ginagamit bilang salik ng produksiyon
Kanluranin – pangkalahatang tawag sa mamamayan ng Europe na nanakop ng lupain sa Asya noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo. Ginagamit din ang salitang Europeo bilang kasingkahulugan ng kanluranin.
Kapapahan – tungkulin, panahon ng panunungkulan, at kapangyarihang panrelihiyon ng Papa bilang pinuno ng simbahang Katoliko, gayundin sa kapangyarihang pampulitika bilang pinuno ng Estado ng Vatican
Katipunan – isang rebolusyonaryong samahan. Tinatawag din itong KKK o Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Isinusulong nito ang ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa mga EspaƱol. Kung anuman ang ating mga nagawa noon ay siyang naghubog kung ano tayo ngayon.
Kartel – tumutukoy sa samahan ng oligopolista na sama-samang kumikilos upang itaas ang presyo ng mga produkto o serbisyo sa pamilihan
Kasunduan sa Versailles – kasunduang opisyal na nagwakas sa Unang Digmaang Pandaigdig, naganap noong Hunyo 28, 1919, sa pagitan ng Allies at Germany
Kaunlaran – ang pagbabago mula sa mababa tungo sa mataas na antas ng pamumuhay
Khyber Pass – landas na matatagpuan sa kabundukan ng Hindu Kush na sa loob ng libu-libong taon ito ay tinahak at ginamit ng mangangalakal at manlalakbay sa kasaysayan papunta at palabas ng India
Kilusang Propaganda – samahang itinatag ng mga ilustrado sa Pilipinas noong ika-19 na siglo. Layunin nito na maisulong ang reporma sa bansa sa ilalim ng pamahalaang kolonyal ng Spain.
Klima – ang karaniwang panahon o average weather na nararanasan ng isang lugar sa loob ng ilang buwan, ng isang taon, o mahaba-habang panahon na kinapapalooban ng mga elemento tulad ng temperatura, ulan, at hangin
Kolonyalismo –ang tuwirang pananakop ng isang bayan sa iba pa upang mapagsamantalahan ang yaman nito o makuha rito ang iba pang pangangailangan ng mangongolonya
Komplementaryo – mga produktong magkasabay o magkasamang kinukonsumo
Komunismo - ideolohiyang nagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan sa lipunan
Konsepto – ideya o kaisipan
Konsyumer – mamimili; gumagamit ng mga produkto at serbisyo
Kontemporaryong isyu- Isyung may partikular na kahalagahan sa kasalukuyang panahon
Kontinente – pinakamalawak na masa ng lupa sa ibabaw ng daigdig
Kontra-repormasyon – kilusang pangrelihiyon ng Simbahang Katoliko na naglalayong panumbalikin ang tiwala ng mga sa Kristyanismo partikular sa Katolisismo
Kowtow – pagyuko ng mga Tsino sa kanilang Emperador nang tatlong beses na ang noo ay humahalik sa semento
Krusada – ekspedisyong militar na inilunsad ng mga Kristiyanong Europeo laban sa mga Turkong Muslim upang mabawi ang Jerusalem sa kamay ng mga ito

L

Laissez faire – kaisipang nagbibigay-diin sa malayang daloy ng ekonomiya, na hindi nararapat na pakialaman ng pamahalaan
Lambak – lupain patag na makikita sa pagitan ng mga bundok o sa gilid ng mga ilog
Latitude – mga distansyang angular na natutukoy sa hilaga o timog ng equator o ekwador
Lay investiture – isang seremonya kung saan binibigyan ng mga hari ang Obispo ng singsing at tauhan para sa kanyang opisina
Liberalisasyon – patakaran na nagbunsod sa paggiging malaya o pagbubukas ng kalakalan ng bansa sa pandaigdigang kalakalan Life expectancy – inaasahang haba ng buhay
Liga ng mga Bansa (League of Nations) – itinatag ng 42 bansa noong Enero 10, 1920, na ang pangunahing layunin ay tapusin ang digmaan sa pamamagitan negosasyon at diplomasya
Literacy rate o Antas ng kamuwangan – bahagdan ng tao sa isang partikular na bansa na may kakayahang bumasa at sumulat
Longitude – mga distansyang angular na natutukoy sa silangan at kanluran ng prime meridian Lundayan – kinalalagyan o pinagmulan
Lupa – sa ekonomiks, tumutukoy ito sa salik ng produksiyon na yamang likas

M

Makroekonomiks – ang pag-aaral sa kabuuang galaw ng ekonomiya; pinag-aaralan dito ang interaksyon ng sambahayan, kumpanya, pamahalaan, at pandaigdigang pamilihan.
Makroekonomikong ekilibriyo – kung ang kita sa panig ng sambahayan ay katumbas ng pagkonsumo o kaya sa panig ng bahay- kalakal, ang kita sa produksiyon ay katumbas ng pagkonsumo
Mandate system – pagpapasailalim sa isang bansang naghahanda na maging isang malaya at nagsasariling bansa sa patnubay ng isang bansang Europeo
Manor – sentrong pangkabuhayan na pinamumunuan ng panginoong nakatira sa kastilyo
Mantle – binubuo ng makakapal at maiinit na tunaw na bato; halos 1800 milya ang kapal
Marginal thinking – pagsaalang-alang ng karagdagang benepisyo o pakinabang na matatamo sa bawat karagdagang gastusin
Market economy – ang mekanismo ng malayang pamilihan na ginagabayan ng isang sistema ng malayang pagtatakda ng halaga
Marxism – teoryang politikal at ekonomiko ni Karl Marx na nagsasaad na ang kilos ng tao ay bunga ng kapaligiran at uri ng kanyang kinabibilangan
Mein Kampf (My Struggle) – akda ni Hitler na pinagbatayan ng ideolohiyang Nazism, unang lumabas noong 1925
Merkantilismo – prinsipyong pang-ekonomiya na ang batayan ng kayamanan ng bansa ay ang dami ng ginto at pilak na mayroon ito
Mesoamerica – nangangahulugan ang katagang meso ng “gitna”; ang Mesoamerica ay rehiyon mula sa gitnang Mexico hanggang Gitnang America
Middle class – tumutukoy sa panggitnang uri ng tao sa lipunan. Sila ay nasa pagitan ng mga pinakamayayaman at mahihirap na grupo ng tao. Kadalasang batayan ng pagiging middle class ay ang pagkakaroon ng kayamanan at kapangyarihan sa lipunan na kinabibilangan.
Migrasyon – ang pag-alis ng tao mula sa ibang bansa o lokalidad patungo sa iba
Mikroekonomiks – ay ang pag-aaral sa maliliit na yunit ng ekonomiya. Pinag-aaralan nito ang kilos, gawi at ang mga ginagawang pagpapasya ng sambahayan at kumpanya
Militarismo – pagpapalakas ng pwersang militar
Mine tailing – dumi o mga materyales na latak mula sa proseso ng pagmimina at pagsasala mula sa malalaking minahan
Mixed economy – isang sistema na kinapapalooban ng elemento ng market economy at command economy
Monarchy – uri ng pamahalaan ng pinamumunuan ng hari, reyna, at mga kauri nito
Monopolistikong kumpetisyon – uri ng pamilihan na maraming mamimili at bahay-kalakal subalit may kaunting kapangyarihan dahil sa ibinebentang produkto na similar but not exactly identical
Monopolyo –isang istraktura ng pamilihan na may malakas na puwersang itinakda ang presyo at dami ng ibebenta nag-iisa lamang ang prodyuser na nagbebenta ng produkto at serbisyo sa maraming mamimili
Monopsonyo – Isang istraktura ng pamilihan na maraming nais magkaloob ng produkto at serbisyo subalit iisa lamang ang. Ito ay may lubos na kapangyarihan na kontrolin ang presyo.
Monsoon – mga hanging nagtataglay ng ulan
Multiculturalism – lipunan na binubuo ng iba’t ibang kultura

N

Nagbibili – ang nagbebenta ng mga produkto at serbisyo sa pamilihan
Napoleonic Wars – Digmaang pinangunahan ni Napoleon Bonaparte na naglalayong pag-isahin ang buong Europa
Nasyonalismo – kadalasan, tumutukoy ito sa masidhing pagmamahal sa bayan. Subalit maliban dito, ang nasyonalismo ay nangangahulugan din ng pagkakatanto ng isang nilalang o lahi na mahalagang ipagtanggol ang kaniyang bansa laban sa panlulupig ng mga banyaga.
Nation-state – terminong pampulitika na tumutukoy sa isang teritoryo na pinananahanan ng mga mamamayan na may magkakatulad na wika, kultura, relihiyon, at kasaysayan, at napasasailalim sa isang pamahalaan
Natural capital – likas na puhunan
Nazism – ideolohiyang ipinalaganap ni Adolf Hitler na nagsasaad ng pagiging superyor ng lahing Aryan, na siyang kinabibilangan ng mga German
Negosyo – tumutukoy sa anumang gawain na pang-ekonomiya na may layuing kumita o tumubo
Net Factor Income from Abroad – tinatawag ring Net Primary Income. Makukuha ito kapag ibinawas ang gastos ng mga mamamayang nasa ibang bansa sa gastos ng mga dayuhang nasa loob ng bansa
Nomarch – pinuno ng nome
Nome – malalayang pamayanan ng sinaunang Egypt
Normative economics – paraan ng pagpapahayag na sumasalamin sa pagpapahalaga o value judgment ng isang tao sa isang pangyayaring pangkabuhayan o economic phenomenon. Ito ay pansariling pananaw/opinyon na naglalahad ng sariling paninindigan.

O

Oasis – lugar sa disyerto na nagtataglay ng matabang lupa at tubig na maaaring makabuhay ng mga halaman at hayop
Obsidian – isang maitim at kristal na baton a nabuo mula sa tumigas na lava na ginamit sa Teotihuacan sa paggawa ng kagamitan, salamin, at talim ng kutsilyo
Oligopolyo – istruktura ng pamilihan kung saan may maliit na bilang ng bahay-kalakal na nagbebenta ng magkakatulad o magkakaugnay na produkto
Olmec – kauna-unahang kabihasnang sa Central America: nangangahulugan ang salitang Olmec na “rubber people” dahil sila ang kauna-unahang gumamit ng dagta ng mga punong rubber o goma
Oracle bone – tawag sa mga tortoise shell at cattle bone na ginagamit upang mabatid ang mensahe o saloobin ng mga diyos ng mga Tsino.
Opportunity cost – ang halaga ng bagay na handang isuko o bitawan upang makamit ang isang bagay
Overgrazing – sanhi ng pagkasira ng lupa at vegetation na nagaganap kung ang kapasidad ng damuhan ay hindi sapat sa laki ng kawan ng hayop
Ozone layer – isang suson sa stratosphere na naglalaman ng maraming konsentrasyon ng ozone

P

Pacific Ring of Fire – isang malawak na sona sa Pasipiko na nagtataglay ng maraming hanay ng mga bulkan
Paggawa – oras at lakas na ginagamit ng tao sa produksiyon
Pagkonsumo – paggamit o pagbili ng mga produkto at serbisyo
Pag-iimpok – bahagi ng kita na hindi ginagasta at sa halip ay inilalagak sa bangko para sa pangangailangan sa hinaharap
Paikot na daloy – dayagram na nagpapakita ng kitang tinatanggap at bayaring ginagawa ng bawat sektor sa ekonomiya
Pamilihan – ang lugar/mekanismo para ang mamimili at nagbebenta ay nagkakaroon ng transaksiyon upang magkaroon ng bentahan
Pananaw – saloobin o opinyon ng isang tao batay sa kaniyang paniniwala
Pangangailangan – ang mga bagay na dapat ay mayroon ang tao tulad ng pagkain, damit, at tirahan upang mabuhay
Peninsula / Tangway – bahagi ng pulo o kontinenteng nakaungos sa tubig
Perestroika – tumutukoy sa pagsasaayos ng ekonomiya ng dating USSR upang manaig ang pwersang pampamilihan
Philosophes – grupo ng mga intelektwal sa panahon ng Enlightenment na naniniwala na ang reason o katwiran ay magagamit sa lahat ng aspeto ng buhay
Physiocrats – mga taong naniniwala at nagpalalaganap ng ideyang ang lupa ang tanging pinagmumulan ng yaman o nakatutulong sa pagpapayaman
Pictogram – sistema ng pagsulat na gumagamit ng larawan sa mga sinaunang kabihasnang
Pilosopiya – ang mapagkilatis na pag-aaral sa mga pinakamalalim na katanungan na maaaring itanong ng sangkatauhan. Nagmula ang salitang pilosopiya sa mga salitang griyego na philo at sophia. Ang philo ay nangangahulugang "pagmamahal" at ang sophia naman ay "karunungan". Kung pagsasamahin, ito ay "pagmamahal sa karunungan".
Piyudalismo – isang sistemang pulitikal, sosyo-ekonomiko, at militar na nakabase sa pagmamay-ari ng lupa
Political dynasty – ang pananatili sa pamamahala ng isang pamilya sa isang estado sa paglipas ng mga taon
Populasyon – tumutukoy sa kabuuang bilang ng tao sa takdang lugar at panahon
Population boom – biglaang pagdami ng mga taong nakatira sa isang lugar
Population growth rate – antas/bahagdan ng pagdami ng tao
Prairie – lupaing may damuhang mataas na malalim ang ugat o deeply rooted tall grasses
Price index – sumusukat sa average na pagbabago sa presyo ng mga produkto at serbisyo
Presyo – ang halagang ipinambabayad sa isang tiyak na dami at uri ng isang kalakal o paglilingkod
Presyong elastisidad ng demand – sumusukat kung gaano ka sensitibo ang quantity demand sa pagbabago ng presyo
Prime Meridian – itinatalaga bilang zero degree longitude na nasa Greenwich sa England
Protectorate – isang rehiyon na may sariling pamahalaan subalit nasa ilalim ng kontrol ng isang panlabas na kapangyarihan Pulo – masa ng lupang napapaligiran ng tubig

R

Rebolusyon – ang mabilis, agaran, at radikal na pagbabago sa isang lipunan
Red Tide – sanhi ng dinoflagellates na lumulutang sa ibabaw ng dagat
Reinkarnasyon – paniniwalang ang kaluluwa ay muling mabubuhay sa mas mataas o mababang kalagayan sa lipunan batay sa kabuuang pagkilos ng tao
Renaissance – tumutukoy sa muling pagsilang o rebirth the kulturang klasikal ng Greece na sumibol sa bansang Italya
Repormasyon – kilusang pangrelihiyon na naglalayong manghingi ng reporma sa Simbahang Katoliko. Ito ay katawagan din sa mga kaganapan na yumanig sa Kakristyanuhan mula ika-14 hanggang ika-17 na dantaon na humantong sa pagkakahati ng simbahang Kristyano. Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 – batas na nagbibigay garantiya sa pagtamo ng mga pamamaraan tulad ng contraception, fertility control, sex education, at maternal care
Replenish – muling punuan o tustusan

S

Salinization – proseso ng paglitaw ng asin sa ibabaw ng lupa o kaya naman ay inaanod ng tubig papunta sa lupa
Sambahayan – sektor na binubuo ng lahat ng tao na nagnanais na matugunan ang kanilang walang hanggang pangangailangan at kagustuhan
Satrap – gobernador o pinuno ng satrapy
Satrapy – lalawigan ng Imperyong Persian
Savanna – lupain ng pinagsamang mga damuhan at kagubatan
Satyagraha – ang paglalabas ng katotohanan kasama ang pagdarasal, meditasiyon, at pag-aayuno
Scribe – mga tagatala ng pangyayari at kasaysayan sa panahon ng sinaunang kabihasnan
Shortage – isang sitwasyon na mas malaki ang dami na demanded kaysa sa dami ng produkto na isinusupply
Sibilisasyon – masalimuot na pamumuhay sa lungsod
Siltation – parami at padagdag na deposito ng banlik na dala ng umaagos na tubig sa isang lugar
Sinocentrism – ang pananaw ng mga Tsino na sila ang superiyor sa lahat
Soil degradation – pagkasira ng lupa o pagbaba nang kapakinabangan nito
Son of Heaven o “Anak ng Langit” – ang emperador ay pinili ng langit upang mamuno na may itinakdang kasaganaan at kapayapaan n noong sinaunang kabihasnan
Sputnik – kauna-unahang space satellite sa kasaysayan na inilunsad ng dating USSR
Statistical discrepancy – ang anumang kakulangan o kalabisan sa pagkuwenta na hindi malaman kung saan ibibilang. Ito ay nagaganap sapagkat may mgatransaksiyong hindi sapat ang mapagkukunan ng datos o impormasyon.
Steppe – malawak na damuhang lupain na may kakaunting puno; matatagpuan sa silangang Europe at Asya
Stewardship – wastong pagkalinga at pangangalaga ng mga bagay tulad ng kalikasan
Strained – sobra o labis na nagamit
Sturgeon – malalaking isdang likas sa Hilagang Asya na pinagkukuhanan ng caviar (itlog) na isa sa mga produktong panluwas ng rehiyon
Surplus – isang sitwasyon na mas malaki ang dami ng produkto na isinusuplay kaysa sa dami na demand
Sustainability – kakayahang magpanatili ng isang estado o kalagayan

T

Taiga – mataas na kagubatang coniferous at mabato na matatagpuan sa Hilagang Asya, partikular na sa Siberia
Talampas – mataas na lupang patag na patag sa ibabaw
Teotihuacan – nangangahulugan ang katagang ito na “tirahan ng diyos” at isa ito sa mga unang kabihasnang nabuo sa Valley of Mexico
Terorismo – sistematiko paggamit ng malaking takot, madalas marahas, lalo na bilang isang paraan ng pagpipigil
Terra-Cotta – anumang bagay (tulad ng banga, pigurin, o estatwa) na yari sa pinainitang luwad
Territorial and border conflict – suliraning dulot ng hindi pagkakaunawaan o pagtatalo ng mga bansa sa teritoryo at hangganan
The White Man’s Burden – tulang isinulat ni Rudyard Kipling, isang British. Una itong nailathala noong 1889. Ipinahayag ni Kipling ang pagsuporta niya sa imperyalismong kanluranin sa pamamagitan ng tulang ito.
Third Reich – panahon sa Germany mula 1933–1945 na napasailalim ang bansa sa kontrol ng ideolohiyang totalitarian
Third World – mga bansang papaunlad pa lamang tulad ng Pilipinas
Triple Alliance – kilala sa tawag na Central Powers na kinabibilangan ng Germany, Austria, Hungary, at Italy mula 1882- 1915.
Triple Entente – tawag sa alyansang France, Great Britain at Russia, kilala bilang Allies mula 1882- 1915.
Think tank – pangkat ng mga dalubhasa na nagpupulong upang gumawa ng pagsusuri sa isang suliranin at magmungkahi ng pamamaraan sa paglutas nito
Tonle Sap – lawa sa Cambodia na nakararanas ng siltationa at kinikilalang pinakamalaking freshwater lake sa Southe East Asia
Topograpiya – tumutukoy sa mga katangiang pisikal na nasa ibabaw ng daigdig na gaya ng anyong lupa at anyong tubig
Tropikal – uri ng klimang may katamtamang init
Tsar – tawag sa pinuno ng Russia hanggang sa rebolusyon noong 1917
Tundra – lupaing kadalasang walang puno na matatagpuan sa Russia, malapit sa baybayin ng Arctic Ocean

U

Unemployment rate – bahagdan ng walang hanapbuhay
Urbanisasyon – pagsasa-lungsod ng isang lugar o paglipat ng malaking bahagdan ng populasyon sa mga lungsod upang dito mamuhay at manirahan

V

Vassal – taong tumatanggap ng lupa mula sa lord
Vedas – sagradong aklat para sa mga Hindu; binubuo ng mga himnong pandigma, ritwal, at mga salaysay
Vegetation – uri o dami ng mga halaman sa isang lugar; uri ng kapaligiran batay sa tumutubong halamanan
Volatile – biglaang nagbabago
Vulnerable – madaling mapinsala

Y

Yamang likas – mga bagay na nagmumula sa kalikasan tulad ng lupa, kabundukan, kagubatan, karagatan, mga ilog, lawa, at mga depositong mineral

Z

Ziggurat – templo ng mga sinaunang Mesopotamia tulad ng Sumerian na pinaniniwalang pinaninirahan ng mga diyos
Zoroastrianismo – ang tawag sa relihiyon ng mga persya o, itinatag at ipinalaganap ni Zoroaster ang kaniyang mga turo, na naniniwalang may dalawang pwersang naglalaban upang makuha ang kaluluwa ng tao. Ayon sa kaniya, huhusgahan ang tao batay sa kaniyang ginawa at kung kaninong pangkat siya sumanib.

No comments:

Post a Comment